MANILA, Philippines — Ang tatlong key agencies sa ilalim ng Department of Justice (DOJ) tulad ng Land Registration Authority (LRA), Bureau of Immigration (BI) at Bureau of Corrections (BuCor) na kung saan ay may mga sindikato ang tutugisin ni Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla.
Ito ang pangako ni Remulla sa kaniyang talumpati matapos ang una niyang “flag-raising ceremony” sa DOJ sa Padre Faura sa Maynila kahapon.
“Unahin na natin ang LRA na kahapon, nung kine-kuwento sa’kin ng malapit na kaibigan na law practitioner, ikinuwento nya sa’kin ang aktibidad ng sindikato na naroroon na nananaig sa sistema ng LRA, sindikato na may tao sa halos lahat ng sangay ng gobyerno,” pahayag ng DOJ chief.
“At ito po ay isang hamon sa atin. Kayo ba dito na kasama ko ay papayag na tumagal pa ang sindikatong ito na marahil darating ang isang araw na lahat ng tahanan natin ay makuha na nila kapag ating pinayagan na sila ay manaig pa sa ating lipunan?” dagdag niya.
Kinondena rin ni Remulla ang pangingikil, human trafficking at pagprotekta sa mga sindikato sa BI.
Matatandaang kinasuhan ng Ombudsman ang 43 Immigration personnel na sangkot sa “Pastillas” bribery scam kung saan binibigyan ng express entry ang Chinese nationals sa bansa kapalit ng perang nakabalot sa papel.
“The sad thing about the Bureau of Immigration is that they exercise sovereign powers. It is the face of the country and we Filipinos have a duty to protect our own country, what more for the frontline organization that people see when they enter and leave the country?” ani Remulla.
Binanggit din niya ang mga gawain ng mga sindikato sa Bureau of Corrections which, na ayon sa kanya ay sumisira sa bansa.
Sinabi niya na magiging puno ng aksyon ang kaniyang panunungkulan dahil sa paghahabol sa mga nasabing sindikato.