4 Chinese arestado sa gawaan ng sigarilyo
MANILA, Philippines — Apat na Chinese national ang naaresto nang salakayin ng mga ahente ng Bureau of Customs (BOC) ang isang warehouse at pagawaan ng sigarilyo na tinatayang nagkakahalaga ng P256.5 milyon sa Trece Martires City, Cavite, kamakailan.
Binubuo ng raiding team mga personnel mula sa Customs Intelligence and Investigation Service-Manila International Container Port (CIIS-MICP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na armado ng Letter of Authority (LOA) at Mission Order (MO) na inisyu ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero nang salakayin ang bodega at pagawaan na matatagpuan sa Tanza-Trece Martires Road, Brgy. De Ocampo ng lungsod.
Sa tulong ng National Bureau of Investigation Special Action Unit ay naaresto ang mga naturang dayuhan na nakatakdang sampahan ng mga kasong may kaugnayan sa smuggling.
Nabatid na doble-kayod ngayon ang BOC sa pagtatrabaho kahit pa nakatakda nang mag-take over ang susunod na administrasyon, at sa gitna ng well-funded efforts para madungisan ang mga accomplishment ng kawanihan. Iniulat naman ni MICP chief Alvin Enciso na nakadiskubre ang kanilang grupo ng mga raw materials sa paggawa ng cigarette products sa naturang operasyon na kayang makagawa ng 50 hanggang 100 kaha ng sigarilyo kada araw na ang halaga ay aabot sa P5 milyon.
Sa sandaling matapos ang complete inventory sa mga regulated goods, inaasahang irerekomenda nina Customs Deputy Commissioner for Intelligence Raniel Ramiro Ramiro at CIIS Director Jeoffrey C. Tacio ang pag-isyu ng Warrant of Seizure and Detention (WSD) at paghahain ng kaukulang kaso laban sa mga operator ng warehouse.
- Latest