Mga proyekto ni Duterte, itutuloy ko! - Marcos
MANILA, Philippines — Pinasalamatan ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., si outgoing President Rodrigo Duterte na tatlong araw na lang mananatili sa puwesto at nangakong itutuloy nito ang ilan sa mga proyekto na nagbebenipisyo ang bansa.
Sa video entry na ipinoste nito sa kanyang Youtube channel kamakalawa ay sinabi ni Marcos na sila ay panandaliang nakapag-usap ni Duterte sa oath-taking ng anak nito na si Vice-President elect Sara Duterte sa Davao City noong nakalipas na June 19.
“Pinasasalamatan ko siya (Duterte) dahil sa ilang bagay ay sinuportahan niya kami ni Inday Sara at tiniyak ko sa kanya na itutuloy ko ang kanyang mga proyekto na magbebenepisyo sa bansa,” pahayag ni Marcos.
Hindi na binigyan linaw ni Marcos kung anong mga proyekto ang kanyang itutuloy bagama’t una niyang nabanggit ang pagpapatuloy ng laban sa droga at nais pa umano niyang kunin ito na drug czar, subalit tumanggi ito.
Subalit, ayon kay Marcos, na ang laban niya kontra droga ay bibigyan niya ng puso tulad ng paglalagay ng maraming drug rehabilitation facilities at pagpapagamot sa mga drug dependents.
Magugunita na ang giyera kontra illegal droga ay kumitil sa mahigit 6,000 indibidwal sa lehitimong police operations base sa datos ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) as of 2021.
Inihayag din ni Marcos na ipagpapatuloy niya ang Duterte administration’s na Build, Build, Build (BBB) program.
Sa 119 infrastructure flagship projects (IFP) sa ilalim ng BBB program, ay 12 ang nakumpleto sa kasalukuyan at 7 pa ang matatapos ngayong buwan bago matapos ang opisyal na panunungkulan sa puwesto ni Duterte sa June 30 at mahigit 12 pa ang matatapos sa December 2022. - Gemma Garcia
- Latest