MANILA, Philippines — Sumipot na kahapon at naghain ng counter affidavit sa piskalya ang driver ng sports utility vehicle (SUV) na sangkot sa viral hit-and-run incident sa Mandaluyong City kamakailan.
Nagtungo kahapon si Jose Antonio Sanvicente sa Mandaluyong City Prosecutor’s Office upang dumalo sa preliminary investigation hearing sa kaso sa paghahain ng kanyang counter-affidavit ng kanyang abogadong si Atty. Danny Macalino.
Hindi naman nakadalo sa pagdinig ang biktimang si Christian Floralde, na kinatawan na lamang ng kanyang abogadong si Atty. Federico Biolena.
Matatandaang si Sanvicente ay sinampahan ng kasong frustrated murder at abandonment of one’s own victim kaugnay nang ginawang pananagasa at pag-abandona kay Floralde noong Hunyo 5.
Kumpiyansa naman si Atty. Biolena na papabor sa kanila ang desisyon ng prosecutors dahil malakas ang ebidensiya nila laban sa suspek.