MANILA, Philippines — Kinastigo ni Senador Grace Poe ang kabagalan ng pamahalaan sa pagpapaimprenta ng National ID na aabot sa anim na buwan hanggang isang taon na paghihintay bago maipamahagi sa mamamayan.
Sinabi ni Poe, chairman ng Senate committee on public services, na dapat solusyunan ng pamahalaan ang pagkaantala sa pag-iimprenta at paghahatid ng National ID upang mabigyan sila ng katibayan ng pagkakakilanlan sa iisang card.
“Ang paghihintay nila ng anim na buwan hanggang isang taon para makuha ang ID ay hindi katanggap-tanggap,” giit ni Poe.
Sinabi ni Poe na kung mayroon nang National ID, maaari nang gamitin ito sa halos lahat ng transaksiyon sa pamahalaan at pribadong sector.
“Napadali na rin sana ang pakikipagtransaksyon sa pamahalaan at pribadong sektor kung nasa kanila na ito,” dagdag ni Poe.
Ayon kay Poe, habang patuloy nating hinihimok ang publiko na kumuha ng National ID, nananawagan tayo sa Philippine Statistics Authority na tiyakin ang kawastuhan ng mga datos sa card at maging maagap sa mga kinakailangang pagbabago rito kung kinakailangan.