Physical distancing sa mga paaralan, pwede nang luwagan - DepEd
MANILA, Philippines — Sa susunod na pasukan ay maaari na umanong luwagan ang physical distancing rule sa mga paaralan sa pagdaraos ng limited in-person classes sa mga lugar na nasa ilalim ng COVID-19 Alert Level 1.
Sinabi ni Department of Education (DepEd) Undersecretary Nepomuceno Malaluan na inabisuhan na ng Department of Health (DOH) ang DepEd na maaari na nilang i-relax ang distancing protocol, sa mga paaralang nasa ilalim ng naturang pinakamababang alert level.
Nangangahulugan ito na mas marami pang estudyante ang papayagang makadalo sa classroom sessions sa susunod na pasukan.
Sinabi ni Malaluan na ang DepEd ay nasa proseso na nang pagbuo ng mga guidelines para sa pagtuturo sa susunod na school year, na siya ring tutukoy kung paano ipatutupad ang blended learning.
Tutukuyin rin aniya kung gaano kadalas ang araw na magpi-face-to-face classes, gayundin ang araw para sa remote learning.
Sakali naman aniyang magkaroon ng potensiyal na surge ng COVID-19 cases na magtutulak sa pamahalaan na itaas ang alert level sa isang lugar, sinabi ni Malaluan na batid naman na ng mga paaralan ang mga protocols na dapat gawin.
Matatandaang target ng DepEd na makapagdaos na ang lahat ng paaralan ng limitadong face-to-face classes sa School Year 2022-2023, na inaasahang magbubukas sa Agosto 22 at tanging ang mga paaralan na nasa Alert Levels 1 at 2 ang pinapayagang magdaos ng physical classes sa basic education.
- Latest