MANILA, Philippines — Bilang paghahanda sa nalalapit na opening ng face-to-face classes sa Agosto, inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga local government units (LGUs) na ipagpatuloy ang road clearing operations sa kanilang mga nasasakupan.
Ayon kay Interior Sec. Eduardo Año, dapat na ipagpatuloy ng mga LGUs ang mga road safety programs, gaya ng road clearing operations at pagbabawal ng mga tricycles sa national highways, upang mabawasan ang aksidente sa mga kalsada at mabigyang proteksyon ang mga mag-aaral.
“The Road Clearing Ops and “no trike on national highway” campaign have to be sustained. Hindi puwedeng ningas-kugon,” ani Año sa isang pahayag.
Sinabi ni Año na malaking bilang ng mga barangay ang patuloy na tumatalima sa panawagang alisin ang mga obstruksiyon o bara sa mga kalsada, o nasa 38,690 mula sa kabuuang 41,365 barangay na sangkot sa operasyon o 93.53%, batay sa datos na inilabas noong Mayo 6.
“We urge our LGUs to continue and sustain their successes to protect our children from road accidents, lalo na ngayong papalapit na ang face-to-face classes,” dagdag pa niya.
Ipinaliwanag ni Año na ang pagpapatupad ng ban sa mga tricycles at pedicabs sa national roads ay may layuning mabigyan ng seguridad ang mga bata, dahil ang mga naturang uri ng transportasyon ang karaniwan nilang ginagamit sa pagtungo at pag-uwi mula sa mga paaralan.