Ex-police general itinalaga ni Marcos sa NICA, Guillermo sa BIR
MANILA, Philippines — Isa sa magiging miyembro ng Gabinete ng Marcos administration si dating retired Philippine National Police (PNP) Deputy Director General Ricardo de Leon.
Si De Leon, kasalukuyang presidente ng Philippine Public Safety College, na humahawak sa pagsasanay ng mga police officer cadets, police rookies, fire at jail personnel, ay itinalaga ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. bilang incoming director-general ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA). Miyembro rin siya ng Philippine Military Academy (PMA) Matatag Class of 1971.
Nagsisilbi ang NICA bilang secretariat sa Anti-Terrorism Council ng bansa at isang cluster ng anti-insurgency task force.
Samantala, itinalaga rin ni Marcos si Lilia Guillermo bilang magiging pinuno ng Bureau of Internal Revenue (BIR), kung saan siya ay dating deputy commissioner.
Kasalukuyang namumuno si Guillermo sa teknolohiya at digital innovation unit ng Bangko Sentral ng Pilipinas at pinangangasiwaan din nito ang IT modernization plan ng central bank.
Ayon kay incoming Press Secretary Trixie Cruz-Angeles, si Guillermo ang nagpatupad ng Philippines Tax Computerization Project, na nagtatag ng modernong sistema ng pangongolekta ng buwis para sa BIR at Bureau of Customs.
Pinili rin ni Marcos ang tax lawyer na si Romeo “Jun” Lumagui Jr. bilang incoming deputy commissioner sa ahensya. Siya ay dating pinuno ng regional investigation division sa Revenue Region No. 7B East NCR.
- Latest