MANILA, Philippines — Nasunog ang ilang bahagi ng bagong renovate na Metropolitan Theater sa Arroceros, Ermita, Maynila, kahapon.
Sa inisyal na ulat ng Manila Fire Department, alas-8:55 ng umaga nang sumiklab ang apoy sa ticketing office na ginawang barracks ng mga construction worker na patuloy na nagkukumpuni sa gusali.
Alas-9:23 ng umaga nang ideklarang fire under control ang sunog at alas-9:41 ng umaga nang magdeklara ng fire out.
Ayon naman sa pamunuan ng Metropolitan Theater, nagmula ang sunog sa isang silid sa unang palapag ng Padre Burgos Wing ng gusali na inaayos sa ilalim ng Phase 2 ng proyekto.
Hindi naman anila kumalat ang apoy sa ibang bahagi ng Tanghalan at walang nasawi at naitalang pinsala sa pag-aari, maliban sa ilang luma at bulok na kagamitan na tinanggal sa iba’t ibang bahagi ng Tanghalan.
Nagpasalamat naman ang pamunuan ng Metropolitan Theater sa mga tumulong upang agad na maapula ang sunog. Sa ngayon, inaalam pa kung ano ang naging sanhi ng sunog sa nasabing lugar.
Related video: