Marcos admin planong idiskaril ng CPP-NPA-NDF
MANILA, Philippines — Ibinulgar ng dalawang dating miyembro ng Communist Party of the Philippines, New People’s Army, National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) na may plano ang grupo na hindi payagang makaupo si President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kaya’t nagpakana umano ang mga ito ng kaguluhan sa Hacienda Tinang sa Concepcion, Tarlac.
Sa ‘virtual’ balitaan ng National Task Force to End Local Communists Armed Conflict (NTF-ELCAC), sinabi ni Christopher Garcia, dating alias “Ka Warly” na ang komunistang grupo ang itinuturong utak ng ‘bungkalan’ sa Hacienda Tinang.
Ang terminong “bungkalan” ay kilos kampanya ng CPP-NPA-NDF sa mga pinag-aagawang lupain gaya ng nangyari sa Hacienda Luisita.
Aniya, ang insidente sa Hacienda Tinang ay unang hakbang lamang upang idiskaril ang panunumpa ni Marcos sa Hunyo 30 at hihimukin ng mga komunista ang mga magsasaka na magsasagawa ng kaguluhan sa pangunguna ng Anak Pawis at Unyon ng Manggagawang Agrikultura (UMA).
Sinabi naman ng dating miyembro ng nasabing grupo na si Ka Pong Sibayan, hindi papayagan na makaupo si Marcos at isang negosyo ang mangyayaring kilos-protesta ng komunistang grupo para makokolekta ang pondo na hindi napupunta sa mga magsasaka.
Una nang tiniyak ng PNP ang seguridad sa inagurasyon ni Marcos na gagawin sa National Museum sa kabila ng mga planong protesta.
- Latest