MANILA, Philippines — Hinuli ng mga tauhan ng Inter-Agency Council on Traffic (I-ACT) ang isang bus driver at kaniyang konduktor dahil sa overloading nang magpanggap na “rescue bus” sa may Parañaque City, kamakalawa.
Paliwanag ng driver ng bus, meron silang nadaanang aksidente ng bus sa Cavite at bukas-palad aniyang tinulungan at pinasakay ang mga pasahero nito upang hindi ma-stranded.
Pero, nagsumbong ang mga pasahero sa mga operatiba na hindi ito totoo at iginiit na wala silang aksidenteng nadaanan at punuan na ang bus habang nasa mga lungsod ng Dasmariñas at Imus, Cavite pa lamang ito.
Hindi rin umano mapaliwanag ng driver kung bakit Lawton ang display na sign board ng bus niya sa halip na PITX lamang.
Kinumpiska ng Inter-agency Council for Traffic ang lisensya ng driver at binigyan ng temporary operator’s permit ang operator ng bus dahil sa violation ng excess passenger.
“Marami pa din mga bus drivers, conductors, at operators ang hindi pa rin nakakasunod sa panukala ng DOTr ukol sa 100% seating capacity para sa mga PUV na ilang buwan na ipinatupad ng ahensya,” ayon sa I-ACT.
Paalala ng I-ACT, kailangang isaalang-alang ang health protocols para sa kaligtasan ng mga pasaherong kanilang sineserbisyuhan lalo’t hindi pa tapos ang pandemya.