MANILA, Philippines — Muling pumutok kahapon ng madaling araw ang Bulkang Bulusan.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), ang phreatic eruption ay naganap dakong alas-3:37 ng madaling araw at tumagal ng 18 minuto.
Sinabi ni Phivolcs Director at Science Undersecretary Renato Solidum Jr. na dahil sa naturang panibagong pagputok, ay mananatili pa rin ang Alert Level 1 sa bulkan.
Ani Solidum, ang bulkan ay naglabas ng plume na umabot ng hanggang isang kilometro ang taas.
Ayon kay Juban, Sorsogon Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) Public Information Officer Arian Aguallo, ang buong munisipalidad ng Juban ay apektado ng ashfall.
Dakong alas-9:00 ng umaga naman nang simulan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang paglilikas sa mga residente na nakatira mula sa ilang barangay ng Juban. - Jorge Hallare