MANILA, Philippines — Inihayag kahapon ng Manila Police District (MPD) na limitado lamang sa mga ‘freedom parks’ sa Maynila maaaring magsagawa ng rali ang mga militanteng-grupo na sasabay sa inagurasyon ni President-elect Ferdinand Marcos Jr. sa National Museum.
Tinukoy ni MPD Public Information Office chief PMajor Phillip Ines ang mga lugar na Plaza Miranda sa Quiapo, Plaza Dilao sa Paco, Plaza Moriones sa Tondo at Liwasang Bonifacio sa Ermita na mga itinalagang ‘freedom parks’.
Ito ay makaraan ang reklamo ni Renato Reyes ng grupong Bayan, sa pagbabawal ng pulisya na magsagawa ng “iligal na rally” ang mga militante lalo na kung wala silang hawak na ‘permit to rally’.
Ayon kay Reyes, isa umanong uri ng intimidasyon para pigilan ang mga tao na maisagawa ang kanilang karapatan para magtipon ng payapa.
Habang isinusulat ito ay wala pang natatanggap ang Manila Bureau of Permits ng anumang request o sulat para magkasa ng kilos protesta ang sinuman sa araw mismo ng inagurasyon.
Sinabi ni Ines na magpapatupad sila ng ‘maximum tolerance’ sa mga raliyista na pipigilan na makalapit sa National Museum na idineklarang ‘no rally zone’.