MANILA, Philippines — Patay ang mag-ina nang gilitan sa leeg at pagsasaksakin ng isang land caretaker, sa loob mismo ng kanilang tahanan sa Antipolo City, Rizal habang napatay ng mga pulis ang suspek nang mang-agaw umano ng baril kamakalawa.
Nabatid na si Ramcy Gallego Nerves, residente ng Sitio Kaysakat l, ang siyang itinuturong salarin sa tangkang panggagahasa at pagpatay sa mag-inang sina Ana Lizel Villena, 51, at kanyang anak na si Arabella Tacuycuy, 19, sa loob ng kanilang tahanan sa Sitio Kaysakat III, kapwa sa Brgy. San Jose, Antipolo City.
Batay sa ulat ng Antipolo City Police, dakong alas-5:00 ng madaling araw ng Linggo nang pasukin ng suspek ang bahay ng mag-ina. Tinangka umanong gahasain ni Nerves ang ginang ngunit nanlaban ito kaya’t ginilitan siya ng leeg at pinagsasaksak ng suspek na nagresulta sa kanyang kamatayan.
Nakita naman umano ng anak ang insidente kaya’t tinangka itong tulungan, ngunit maging siya ay pinagsasaksak rin at napatay ng suspek bago ito mabilis na tumakas.
Ayon kay P/Lt. Col. June Paolo Abrazado, hepe ng Antipolo City Police, kaagad ring naaresto ng kanyang mga tauhan ang suspek nang mag-iwan ito ng mga bakas ng dugo mula sa crime scene hanggang sa kanyang tahanan.
Duguan pa at may mga sugat sa katawan ang suspek nang madakip nina P/Staff Sgt. Leodigario Quinto, Pat. Kenji Singian at Pat Rowan Dioquino sa kanyang bahay dakong alas-12:20 ng tanghali kamakalawa rin.
Narekober din ng mga pulis sa tahanan ng suspek ang kanyang duguang mga damit at mga drug paraphernalia.
Umamin naman umano ang suspek sa krimen ngunit nang dadalhin na siya sa Police Community Precinct 2 (PCP 2) sakay ng mobile 05, ay bigla umano nitong sinunggaban ang service firearm ni PSSG Quinto at tinangkang agawin.
Nagkaroon ng agawan ng baril sa pagitan ng suspek at ni PSSG Quinto sanhi upang pumutok ang baril ng dalawang ulit sa kisame ng behikulo. Dito na napilitan sina Pat. Singian at Pat. Dioquino na paputukan na ang suspek, na kaagad ring dinala sa Cabading Hospital upang malunasan pero dead-on-arrival na ito.