MANILA, Philippines — Iprinoklama na kahapon si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. bilang ika-17 Pangulo ng Republika ng Pilipinas matapos ideklara ng Kongreso na umuupong National Board of Canvassers, na nanalong presidente sa Eleksyon 2022.
Prinoklama rin ng Kongreso ang running mate ni Marcos na si Davao City Mayor Sara Duterte bilang bagong bise presidente ng Pilipinas.
Si Marcos, na ang sentro ng kampanya ay pagkakaisa ay nakakuha ng 31,629,783 boto sa nakalipas na halalan. Ang dating senador na pangarap pangunahan ang bansa dahil nais niya na magkaisa ang mga Filipino. Habang si Duterte ay nakakuha ng 32,208,417 boto.
Ang isinagawang canvassing ng mga boto para sa presidente at bise-presidente sa nakalipas na halalan ay natapos lang ng dalawang araw.
Eksakto alas-3:33 ng hapon kahapon nang isara ng Joint Canvassing Committee na pinamumunuan nina Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri at House Majority Leader Martin Romauldez ang pagdedeklara na nakumpleto na ang pagproseso sa 173 na certificate of canvass (COC).
Tinapos ang canvassing kahit na hindi pa nabibilang ang boto sa overseas absentee voting mula sa Argentina at Syria.