Agrikultura, enerhiya at sariling yaman isulong laban sa ‘inflation’
MANILA, Philippines — Para malabanan ng Pilipinas ang tumitinding banta ng ‘pagtaas ng presyo ng mga bilihin ay dapat matagumpay na maisulong ng susunod na administrasiyon ang agrikultura at sariling yaman ng bansa, tulad ng enerhiya at mga mineral.
Ito ang panukala ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda, chairman ng House Ways and Means Committee at isang kilalang ekonomista na nagbabalang patuloy na tataas ang mga presyo ng mga bilihin sa kasalukuyang dekada na nangyayari sa buong mundo.
Ayon kay Salceda, pinag-aaralan na ng mga mambabatas na bahagi ng ika-19 na Kongreso, kung paano nila tutugunan ang hamon sa patuloy na pagtaas ng ‘inflation’ sa sandaling magsimula na ang bagong administrasyon ni incoming President Ferdinand Marcos, Jr.
Anya, bagama’t hindi gaanong nabugbog ng ‘inflation’ ang Pilipinas nitong nakaraan gaya ng ibang bansa, ang kasiraang nagawa nito ay magpapatuloy at inaasahang aabot sa katamtamang 5% kada buwan ngayong dekada, na higit na mataas sa katamtamang 3% sa nakaraang 10 taon.
- Latest