MANILA, Philippines — Umaasa si Pangulong Rodrigo Roa Duterte na itutuloy ni presumptive President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang nuclear energy bilang alternative energy source sa Pilipinas na sinimulan ng ama nito na si dating Pangulong Ferdinand Marcos,pero hindi natuloy.
Ayon kay Duterte si Marcos naman ang nagpagawa ng nuclear power plant sa Bataan kaya dapat tingnan nang susunod na administrasyon ang paggamit nito.
Ipinunto ni Duterte na mauubos ang langis sa hinaharap kaya dapat pag-isipan ang paggamit ng nuclear energy.
Binanggit ni Duterte na “forever” ang nuclear energy bagaman at delikado katulad nang nangyari sa Chernobyl ng Ukraine.
“It would be good for any government to prepare the possibility of making the transition earlier from oil ‘yung fossil fuel to nuclear kasi ang nuclear is forever. Kaya lang medyo ma — delikado ‘to. You know kagaya ng sa Chernobyl ng Ukraine nagkaroon ng leak and so there was this radiation,”ani Duterte.
Binanggit din ni Duterte na patuloy ang pagmahal ng presyo ng langis dahil wala nito sa Pilipinas at kailangan pang mag-import sa ibang bansa.