Batasang Pambansa bantay-sarado sa PNP

MANILA, Philippines — Bantay-sarado sa mga pulis ang paligid ng Batasang Pambansa Complex sa Quezon City, kasunod na rin nang pagsisimula  ng canvassing ng mga boto para sa May 9 presidential at vice presidential race kahapon.

Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) Spokesperson PMAJ Wennie Ann Cale, nasa 3,086 mga pulis ang ipinakalat upang magbantay sa pali­gid ng Batasang Pambansa.

Sa nasabing bilang, ay 2,155 ay mula sa QCPD  habang ang iba pa ay mula naman sa iba pang distrito ng pulisya.

Sinabi ni Cale na isinara rin sa daloy ng trapiko ang IBP Road bilang bahagi ng security measures.

Maaari naman aniyang dumaan ang mga moto­rista sa Litex Road para sa alternatibong ruta.

May mga pulis ding itinalaga sa mga istratehikong lugar sa kahabaan ng Commonwealth ­Avenue para bantayan ang mga nagpaplanong magasagawa ng kilos protesta doon.

Anya, bagama’t ipinatutupad ang maximum ­tolerance, ay hindi mangingi­ming gamitin ang batas kung ang mga demonstrador ay ­magiging marahas.

Pinayuhan ng ­Philippine National Police (PNP) ang mga grupong nais magsagawa ng rally habang isinasagawa ang canvassing ng mga boto ay kumuha muna ng permits mula sa local government unit (LGU), at maging sa mga pulis.

Show comments