Mga kumandidato binalaan SOCE ‘wag dayain – Comelec

Ito ang naging babala ng Commission on Elections (Comelec) sa lahat ng kandidato na tumakbo nitong nakaraang May 9 National and Local Elections.
STAR / File

MANILA, Philippines — “Huwag doktorin ang isusumiteng ‘Statement of Campaign Expentitures (SOCE)’ dahil sa may katumbas itong mabigat na parusa sa oras na mapatunayan.”

Ito ang naging babala ng Commission on Elections (Comelec) sa lahat ng kandidato na tumakbo nitong nakaraang May 9 National and Local Elections.

Nagpaalala si Election spokesperson John Rex Laudiangco sa mga kandidato at partidong politikal na kailangang maisumite ang kanilang SOCE may 30 araw matapos ang halalan o sa Hunyo 8 na.

“Ipinapaalala namin sa inyo, may karampatan na administrative penalties kapag ‘di nakapag-file ng SOCE on time, lalong-lalo na sa dalawang beses nang ‘di nakakapag-file,” saad ni Laudiangco, na sinabing maaaring maparusahan ang politiko ng ‘perpetual disqualification’ base sa Republic Act 7166.

Lahat umano ng SOCE ay naka-notaryo at sa ilalim ng batas, kapag nagsinungaling at nandaya ay kakasuhan ng perjury at administrative penalty naman kapag dalawang beses na hindi nakapagsumite ng SOCE.

Sinabi pa ni Laudiangco na marami na silang naparusahan ng ‘perpetual disqualification’ dahil sa hindi pagsusumite at pandaraya sa kanilang SOCE kaya huwag umano nilang subukan ang Comelec.

Sa ilalim pa ng batas, ang isang kandidato sa pagka-presidente at bise-presidente ay dapat gumastos lamang ng P10 kada botante, P3 naman sa ibang kandidato sa nasyunal na posisyon na may kinabibilangang partido at P5 sa mga independent.  Ang mga political parties ay binibigyan rin ng hiwalay na P5 kada botante.

Para sa mga tumatakbo sa lokal na posisyon, maa­aring gumastos ang mga may partido ng P3 kada botante sa kanilang nasasakupang lugar at P5 sa mga independent candidates.  

Show comments