7 kapitan pinahuli ng alkalde sa paninirang-puri

MANILA, Philippines — Pitong barangay kapitan ang inaresto nitong Lunes dahil sa paninirang-puri na isinampa laban sa kanila ni Lapu-Lapu City Mayor Junard Chan.

Ang mga inaresto na nakakulong na ay kinilalang sina Eduardo Cuizon (Barangay Bankal); ­Eleonor Fontanoza (Gu­n-ob); Regina Ibanez (Looc); Triponia Abayan (Tungasan); Joselito Tibon (Suba- Basbas), Reynaldo Tampus (Canjulao); at Rosalino Abing (Maribago).

Ang  pito ay dinakip  sa kani-kanilang mga lugar sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Regional Trial Court Branch 53 Judge Anna Marie Militante at tig-36,000 ang inirekomendang piyansa   para sa kanilang pansamantalang paglaya.

Lumilitaw na nag-ugat  ang pag-aresto sa pitong chairman sa  kasong grave oral defamation kaugnay sa Section 6 ng Republic Act 10175, o ang CyberCrime Act of 2012, na inihain ni Chan laban sa kanila noong Marso 2022.

Nauna nang nagsampa ng reklamo ang mga punong barangay ng malversation of public funds at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act laban kay Chan, mga mi­yembro ng Bids and Awards Committee (BAC), at ang nanalong bidder dahil sa umano’y kuwestiyonableng pagbili ng coronavirus disease 2019-related items sa mahigit P47 mil­yon.

Inakusahan ng mga opisyal na ang pamahalaang lungsod sa ilalim ng Chan ay bumili ng food at non-food items sa isang furniture supplier.

Show comments