Pharmally execs na ipinakulong ng Senado, makakalaya na

MANILA, Philippines — Sa susunod na buwan ay makakakalaya na sa Pasay City Jail ang dalawang opisyal ng Pharmally Pharmaceutical Corporation na ipinakulong ng Senate Blue Ribbon Committee na nag-imbestiga sa diumano’y maanomal­yang pagbili ng COVID-19 medical supply na kinasasangkutan ng ilang opisyal ng Department of Budget and Management (DBM).

Sinabi ni Senate President Vicente Sotto III na sa Hunyo 3 ay makakalabas na ng kulungan matapos ipa-contempt sina Mohit Dargani [secretary at treasurer] at Lincoln Ong, director ng Pharmally, dahil  sine die adjournment na ng  18th Congress.

Sina Dargani at Ong ay nakapiit sa Pasay City Jail simula  pa noong Nobyembre ng nagdaang taon dahil sa pagkabigong isumite ang financial documents na may kinalaman sa umano’y iregularidad sa pagbili ng pandemic response supply.

Matatandaan na ­inaresto ang magkapatid na Mohit at Twinkle Dargani, presidente ng Pharmally, habang papasakay ng eroplano patungong Malaysia noong Nobyembre 15, 2021.

Pinalaya naman si Twinkle mula sa kustodiya ng Senado noong Enero at inilagay sa house arrest ng Senado.

Nauna nang ibinasura ng Court of Appeals (CA) ang petisyon na inihain ng Pharmally para sa writ of habeas corpus dahil sa balido ang ginagawang pagdinig ng Senado at naayon sa batas ang ipinataw ng contempt order.

Show comments