P20 sa kada kilo ng bigas, posible — DTI
MANILA, Philippines — Posible naman umanong maipatupad ang ‘campaign promise’ ni presumptive President Ferdinand Marcos Jr. na ibaba sa P20 ang kada kilo ng bigas.
Ito ang sinabi ng Department of Trade and Industry (DTI) ngunit kailangang magdahan-dahan dito dahil sa kailangang masusi pang pag-aralan ang lahat ng implikasyon nito.
Ayon kay DTI Undersecretary Ruth Castelo, noong 2018 ay pinag-aralan nila ang pagpapababa sa presyo ng bigas ngunit dahil sa maiksi ang panahon ng kanilang pag-aaral ay naibaba lamang nila ito sa P35 kada kilo.
“Baka ito pwede pa rin kung talagang pag-aaralan pa natin nang husto paano siya mapapababa,” ayon kay Castelo.
Sa kasalukuyang datos mula sa Department of Agriculture (DA), naglalaro ang presyo ng lokal na bigas sa Metro Manila mula P38 hanggang P50 kada kilo at ang imported na bigas ay nasa P37 hanggang P52 ang kada kilo.
Sa pangako nitong nakaraang kampanya, sinabi ni Marcos na maaaring maibaba hanggang P20 ang presyo ng bigas kung ang ahensya ng pamahalaan ang magsisilbing ‘middlemen’ sa pagbili ng mga ani ng mga magsasaka.
- Latest