MANILA, Philippines — Tiniyak ni Manila Mayor Isko Moreno sa mga magulang ng mga mag-aaral mula sa dalawang unibersidad na pinamamahalaan ng lungsod, ang Pamantasan ng Lungsod ng Maynila at ang Universidad de Manila, na ang kanilang kapakanan ang pangunahing pinagkakaabalahan ng pamahalaang lungsod.
Ani Moreno, hindi niya hahayaang gamitin ang mga mag-aaral o ang lugar ng mga nasabing unibersidad sa mga gawaing pulitikal na maaaring mauwi sa kaguluhan.
Sa kanyang capital report, sinabi ni Moreno na inatasan niya ang mga pinuno ng nasabing dalawang unibersidad na tumutok sa pagbibigay ng pinakamahusay na uri ng edukasyon na posible sa kanilang mga mag-aaral.
“Sa mga magulang na nag-aaral ang kanilang anak sa PLM at UDM, pumanatag kayo. Ako po ay nag-abiso na, na hindi pwede basta-basta sumama sa kaguluhan na binabalak ng iilan… ‘yung mga pinaplano nila,”ani Moreno.