Sunog sa Quezon City: 8 katao patay, 3 sugatan
MANILA, Philippines — Walong katao ang nasawi habang tatlong iba pa ang sugatan sa naganap na sunog sa isang residential area sa Brgy. UP Campus, Diliman, Quezon City kahapon ng madaling araw.
Hindi muna pinangalanan ang mga namatay na biktima na kinabibilangan umano ng isang ina at kanyang dalawang anak, dalawang senior citizen, isang may kapansanan at dalawang iba pa na pawang hindi na makikilala pa dahil sa sobrang sunog ang katawan. Habang ang tatlong sugatan naman ay nalapatan ng lunas at nasa maayos ng kalagayan.
Sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP)-National Capital Region (NCR), alas-5:20 ng madaling araw nang maganap ang sunog sa dalawang palapag na tahanan na matatagpuan sa R6A Employees Village A, sa Brgy. UP Campus.
Ang nasabing tahanan ay pagmamay-ari umano ng isang Apolinario Almo at inookupahan ng pamilya ni Marie Antonette Almo Agutay at nagsimula umano ang sunog sa silid na inookupahan ni Emirys Richard Artuge.
Ayon kay Maria Alea Evangelista, kaanak ng mga nasawi na tumakbo ang mag-iina sa itaas sa bahay ng kanyang tiyahin sa pag-aakalang hindi na aabutin ng sunog kaya’t sila ay na-trap.
“Hindi na po natin sila makilala kasi charred beyond recognition po sila. ‘Yong anim po nag-umpukan doon sa passage way, doon sila na-trap,” wika ni Fire Senior Insp. Jose Felipe Arrea ng BFP-Quezon City.
Tuluyang naideklarang fire out, alas-6:35 ng umaga at tuluyang naapula, alas-7:00 ng umaga at nasa 80 kabahayan ang natupok.
Patuloy na inaalam ng mga imbestigador ang dahilan ng sunog.
- Latest