MANILA, Philippines — Mararanasan na nang higit na seguridad ang mga Pinoy health care workers makaraang lagdaan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD) ang batas na nagbibigay mandato para sa tuluy-tuloy na benepisyo sa mga ito lalo na sa panahon ng COVID-19 at iba pang public health emergencies na posibleng mangyari sa hinaharap.
Ang Republic Act No. 11712 o ang “Public Health Emergency Benefits and Allowances for Healthcare Workers Act” ay nakatakdang magbigay benepisyo sa lahat ng healthcare and non-healthcare workers, anuman ang kanilang katayuan sa trabaho, sa panahon ng COVID-19 pandemic o iba pang mga national public health emergencies na maaaring maganap.
Nagpasalamat si Quezon 4th District Representative Angelina “Helen” Tan na tumatayong tagapanguna ng Committee on Health ng House of Representatives at isa sa mga may akda ng batas sa paglagda ng Pangulo.
Sa ilalim ng nasabing batas, ang lahat ng health care and non-health care workers ay makatatanggap ng health emergency allowance sa bawat buwan ng kanilang serbisyo sa panahon ng pandemya tulad ng COVID-19 depende sa risk exposure categorization: P3,000 para sa mga nagtatrabaho sa low-risk areas; P6,000 doon sa “medium risk areas; at P9,000 kung naka-assign sa “high-risk areas.
Maliban dito, ang mga nahawa ng COVID-19 habang nasa trabaho ay mabibigyan ng kabayaran: P1 million para sa mga naulila ng mga namatay; P100,000 para sa mga severe o critical case; at P15,000 para sa mild to moderate case.
Mabibigyan rin ang lahat ng health care and non-health care workers ng full PhilHealth coverage. Ang nasabing mga benepisyo ay magkakaroon ng retroactive application mula Hulyo 1, 2021 at mananatili habang may state of national public health emergency na idineklara ang Pangulo.