MANILA, Philippines — Mas pinaigting ng hardcore volunteer groups ang pangangampanya para kay Aksyon Demokratiko standard bearer Manila Mayor Isko Moreno Domagoso upang matulungan na maging susunod na pangulo ng Pilipinas.
Sa pamamagitan ng “Bus ni Isko” caravan, walang takot ang Team Isko youth volunteers na sinuong ang biyahe sa karagatan patungo sa Dapitan, Zamboanga del Norte nitong nagdaang linggo para ikampanya ang kanilang pambato sa pagka-pangulo.
Isinalarawan ni Ces Bayan ng grupong Ama ni Isko, team leader ng Visayas-Mindanao leg ng “Bus ni Isko”, na ang kanilang naging biyahe sa Dapitan City via RoRo ay “challenging” dahil sa sama ng panahon.
Inihayag ni Bayan na ang youth volunteers ng 47-year old presidential bet ay nananatili ang kanilang dedikasyon na maipagpatuloy at tapusin ang electoral campaign sa anumang paraan, “come hell or high water.”
Ang youth campaigners ng “Bus ni Isko” Visayas-Mindanao leg ay nakapaglibot na sa Dumaguete City at namigay ng Aksyon Demokratiko t-shirts, aprons, at iba pang campaign materials para sa pagkumbinsi ng mga botante na “Switch to Isko.”
Lulan din ng “Bus ni Isko”, ang youth volunteers sa Luzon ay tumungo sa mga lalawigan ng Central Luzon, Cagayan Valley hanggang sa Ilocos Region na kanilang ikinagulat dahil ang ilang mga Ilocano ay nagtatanong ng t-shirts dahil sa sila ay “silent supporters” ni Moreno.