MANILA, Philippines — Itinuturing ang Google Trends bilang pinaka-tumpak na sukatan pagdating sa prediksiyon ng mga mananalo, kumpara sa ground surveys.
Noong 2004 United States presidential election, inilagay ng isang ground survey si John Kerry na panalo laban kay George W. Bush bitbit ang 12-porsiyentong lamang.
Ngunit iba naman ang taya ng Google Trends, kung saan nakita na mas mataas ang interes ng mga Amerikano kay Bush kumpara kay Kerry. Nagkatotoo ang prediksyon ng Google Trends nang mahalal si Bush bilang ika-43 presidente ng Estados Unidos.
Nangyari rin ang katulad na sitwasyon sa US noong 2012, nang magharap sina Mitt Romney at Barack Obama para sa pagkapangulo.
Angat si Romney sa ground surveys ngunit nakita ng Google Trends ang panalo ni Obama, na nagsilbi ng dalawang termino bilang pangulo.
Noong 2016, idineklara ng Reuters na 90 porsiyentong tiyak ang panalo ni dating First Lady Hillary Clinton kay Donald Trump ngunit nanalo ang huli gaya ng prediksyon ng Google Trends.
Noong 2020, lahat ng election predictor models ng Moody’s ay nakaturo sa bagong termino ni Trump ngunit nakita naman ng Google Trends ang panalo ni Joe Biden.
Maaari ring mangyari ang ganitong senaryo sa Pilipinas sa pagitan ng dalawang nangungunang kandidato sa pagkapangulo na sina Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Vice President Leni Robredo na kung saan lamang si Marcos sa ground surveys, ngunit angat si Robredo pagdating sa Google Trends, na mayroong 66 porsiyento kontra sa 30 porsiyento lang ni Marcos.