MANILA, Philippines — Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na handa silang imbestigahan ang ulat ng umano’y pananabotahe sa darating na May 9 election matapos ang pahayag ng tatlong presidentiables.
Sa isinagawang press briefing kahapon sa Camp Crame, sinabi ni PNP chief General Dionardo Carlos, ang lahat naman ng reklamo ay kanilang tinutugunan maging election related issue o hindi.
Sa ngayon aniya, wala pa silang natatanggap na ulat hinggil dito, subalit tatanungin nila dito si Senator Panfilo Lacson, isa sa mga kandidato sa pagkapangulo.
“We’ll get the details from Senator Lacson para matignan namin,” pahayag ni Carlos.
“So far I have here, si Police Major General Valeriano de Leon, he’s monitoring for the elections. Wala naman tayong major reports of ganun,” dagdag niya.
Matatandaang sa isinagawang joint prescon nitong Linggo ng tatlong presidentiables na sina Lacson, Manila Mayor Isko Moreno at dating National Security Adviser Norberto Gonzales, ang nagbabala hinggil sa umano’y distabilisasyon sa darating na May 9 election.
Aminado naman si Lacson na hindi pa nila nabeberipika ang natanggap na ulat.