MANILA, Philippines — Nanawagan kahapon si Manila Mayor Isko Moreno kay Vice President Leni Robredo na umatras sa kanyang kandidatura sa pagka-presidente sa Halalan 2022, at sinabing tumakbo lamang siya sa posisyon upang mapigilang makabalik sa Malacanang ang pamilya Marcos.
Ito ang inihayag Moreno matapos ang paglalabas niya at ng tatlo pang kandidato sa pagkapangulo na wala sa kanilang aatras sa kanilang kandidatura.
Sa isinasagawang pulong-balitaan sa Peninsula Manila Hotel, binasa ni Moreno ang joint statement ng mga presidentiables kasama siya, si Senador Panfilo Lacson, Sen. Manny Pacquiao, at dating defense Secretary Norberto Gonzales.
Laman ng joint statement na nangangako silang maninilbihan sa pamahalaan na kung sinuman ang mapipili sa kanilang bilang susunod na pangulo; magsasanib pwersa upang labanan ang anumang pagtatangka na baluktutin ang totoong pagpapasya ng taumbayan sa pamamagitan ng paggalaw na ‘di kanais nais; at higit sa lahat hinding hindi magbibitiw sa kampanya at ang bawat isa ay magpapatuloy sa kandidatura upang maging karapat dapat sa pagpili ng mga Pilipino.
Binigyang-diin ng alkalde na dapat gawin ni Robredo ang “supreme sacrifice” upang matalo ang frontrunner na si former Senator Ferdinand Marcos Jr. sa presidential race.
“Kung meron mang supreme sacrifice, ‘yung number 2 (sa survey) should do and start. Let Leni withdraw. Withdraw, Leni, if you love your country,” ani Moreno. - Ludy Bermudo