Lacson sa botante: Piliin ang pinaka-kwalipikado, ‘di ang survey
MANILA, Philippines — Iboto kung sino ang nararapat, sa halip na maniwala sa mga lumalabas na resulta umano ng survey na isinasagawa bago ang araw ng halalan.
Ito ang panawagan ni presidential candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson sa mga Pinoy, lalo na sa mga pumipili ng kanilang iboboto batay sa mga pre-election poll.
Inihayag ito ng batikang senador sa ginanap na Pandesal Forum kamakalawa kung saan tinanong siya hinggil sa kanyang reaksyon sa paghingi ng tawad ni vice presidential-candidate at Deputy House Speaker Lito Atienza.
Ayon kay Lacson, nauunawaan niya ang pinanggagalingan ng kongresista at ng iba pa na tumitingin sa resulta ng survey para masabi kung sino ang may malakas na tsansang manalo, pero hindi umano dapat na manatili ang ganitong pananaw dahil panahon na upang kilatisin ang kandidato hindi batay sa pre-election poll, ngunit sa kanyang kahandaang pamahalaan ang bansa.
“Kasi minsan split second, nagpapalit ang isip ng tao ha. ‘Yung papunta, pag-alis ng bahay, hanggang sa makarating sa (polling precinct), hanggang sa mag-sha-shade ‘nung circle, pwedeng magpalit (ng isip) pagka nahimasmasan (ang botante),” wika ni Lacson.
Para naman sa running mate ni Lacson na si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III, dapat nang pag-aralan ng susunod na Kongreso ang panawagan mula sa iba’t ibang sektor na ayusin ang sistema o ma-regulate ang mga survey upang hindi ito maging daan para makondisyon ang isipan ng publiko.
- Latest