MANILA, Philippines — Dahil sa “decreased unrest” o pagbaba ng mga aktibidad ng Bulkang Taal sa Batangas, isinailalim kahapon ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa Alert Level 2 mula sa Alert Level 3 (magmatic unrest) ang naturang bulkan.
Ayon sa Phivolcs, bumaba na rin ang “volcanic degassing” at “volcanic earthquake” sa main crater ng bulkan.
Dagdag ng ahensya, mula Marso 26, 2022, nasa 86 volcanic earthquakes na may mahihinang magnitude na lamang ang naitala sa bulkan. Wala na ring naitatalang seismic activity sa Bulkang Taal.
Sa kabila ng pagbaba ng alert level ng bulkan, nilinaw ng Phivolcs na hindi ito nangangahulugang tuluyan nang naglaho ang banta ng muling pagsabog. Oras umano na magkaroon ng dagliang pagtaas o pagbabago sa iba’t ibang monitoring parameters, maaaring ibalik muli sa Alert Level 3 ang status ng bulkan.
Sa Alert Level 2, ipinagbabawal pa rin ang pagpasok ng sinuman sa Taal Volcano Island (TVI), na siyang Permanent Danger Zone (PDZ) ng Bulkang Taal.
Hinimok ng Phivolcs ang mga Local Government Units (LGUs) na manatiling mapagbantay at patuloy na ihanda ang contingency plans, at mga komunikasyon lalo na para sa mga inilikas na mga residente at apektadong mga barangay sakaling manumbalik ang pag-aalburoto ng bulkan.
Bawal pa rin ang pagpapalipad ng anumang sasakyang panghimpapawid malapit sa bunganga ng bulkan upang makaiwas sa biglaang pagbuga ng abo at malalaking tipak ng lava o paglipad ng abo dala ng malakas na hangin na maaaring magdulot ng panganib.