Balikatan Exercise 2022, nagsimula na
MANILA, Philippines — Pormal nang nagsimula kahapon ang Balikatan Exercise 2022.
Pinangunahan nina Armed Forces of the Philippines (AFP) chief-of-staff General Andres Centino at US Embassy Charge d’ Affaires Heather Variava ang opening program nito sa AFP General Headquarters sa Camp Aguinaldo.
Sinabi ni Centino sa talumpati na espesyal ang Balikatan ngayong taon dahil sa lawak ng mga aktibidad kabilang ang pagsubok at pagsasanay sa mga bagong gamit na nabili ng militar.
Sinabi naman ni AFP Balikatan 2022 Exercise Director Maj. Gen. Charlton Sean Gaerlan, ang pagsasanay ay patunay ng katatagan ng relasyon ng Pilipinas at Estados Unidos.
Mahalaga aniya sa seguridad ng bansa ang Balikatan dahil pinalalakas nito ang kakayahan at kahandaan ng mga sundalong Pilipino sa iba’t ibang operasyon.
Kabilang din sa mga pagsasanay ang amphibious operations exercise na gagawin sa Claveria, Cagayan at ang combined arms live fire exercise na isasagawa naman sa Col. Ernesto Rabina Air Base sa Tarlac.
Ito na ang pinakamalaking joint military exercise ng Pilipinas at Amerika na nilahukan ng 3,800 sundalong Pilipino at 5,100 mula sa US forces at tatagal ang Balikatan Exercise 2022 hanggang sa Abril 8, 2022.
- Latest