MANILA, Philippines — Idineklara ng Philippine National Police (PNP) na “generally peaceful” ang pagsisimula ng 41-araw na campaign period ng mga lokal na kandidato kaugnay sa gaganaping May 9 national elections.
Ayon kay PNP chief P/ Gen. Dionardo Carlos, walang naganap na anumang insidente ng karahasan sa unang araw ng kampanyahan ng mga local candidates nitong Biyernes.
“The local campaign period started on a generally peaceful and orderly mode on Friday. We hope that this favorable condition will hold for the succeeding days of the campaign period until the last day of the local campaign in May 7, or two days before the 2022 National and Local Elections in May 9,” ayon kay Carlos.
Sinabi ni Carlos ang kanilang pagtaya ay base sa mga field reports hinggil sa mga sitwasyon mula sa mga Police Regional Offices na iniuulat sa PNP Command Center sa Camp Crame.
Samantala, pinaalalahanan ni Carlos ang mga kandidato para sa 18,000 local elective posts na ang lahat ng campaign activities ay ipinagbabawal sa Huwebes Santo at Biyernes Santo o Abril 14-15 base sa Calendar of Activities para sa 2022 National and Local Elections na ipinasa ng Comelec.