MANILA, Philippines — Bumaba ang bilang ng mga Pinoy na walang trabaho sa kabila ng restriksyong ipinataw dahil sa muling pagsirit ng COVID-19 cases bunsod ng banta ng Omicron variant sa pagpasok ng 2022.
Ayon kay Philippine Statistics Authority (PSA) chief and National Statistician Claire Dennis Mapa na umabot sa 2.93 milyong Pilipino ang walang trabaho nitong Enero na katumbas ito ng 6.4% unemployment rate.
Mas mababa naman ito sa naitalang 6.6% unemployment rate na naitala noong Disyembre 2021 na katumbas ng 3.27 milyong walang trabahong Pinoy.
Sa kabilang banda, bumaba rin ang underemployment sa 14.9 percent nitong Enero na katumbas ito ng 6.40 milyon kumpara sa 16.1 percent o 7.04 million na naitala noong Oktubre 2021.