MANILA, Philippines — Magpapabagsak umano sa ekonomiya ang kawalan ng plataporma ni presidential aspirant Ferdinand “BongBong” Marcos Jr.
Ito ang naging babala ni dating Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) deputy governor Diwa Guinigundo sa mamamayang Pilipino kung sakali itong manalo bilang Presidente ng bansa.
Ayon kay Guinigundo, maraming problemang mamanahin ang susunod na Pangulo dahil na rin sa epekto ng COVID-19 pandemic at sunud-sunod na utang na pinasok ng Duterte administration mula 2020.
Mahina anya, at hindi tiyak ang mensahe ni BBM sa plano nito sa bansa sakaling manalo sa pagka-presidente.
“Ayaw ni Marcos Jr na humarap sa iba’t ibang presidential fora or debates na itinataguyod ng media at iba’t ibang organisasyon. Takot siyang matanong hinggil sa katotohanan ng napakaraming isyu niya at ng kanyang pamilya,” banggit pa ni Guinigundo.
Kailangang malaman ito ng mga Pilipino para matalinong makapamili ng ibobotong Presidente. Nangangamba rin si Guinigundo sa kakayahan ni Marcos Jr., na mamuno, lalo pa’t kaliwa’t kanan ang problemang kakaharapin ng bansa sa mga susunod na taon dahil na rin sa pandemya at sa pagdami ng utang ng Pilipinas.