MANILA, Philippines — Sinampahan ng reklamo sa Ombudsman ng Samahan ng Progresibong Kabataan (SPARK) si PS-DBM Chief Christopher Lloyd Lao, mga opisyal ng Pharmally at mga financier nitong sina Micheal Yang at Rose Nono Lin bunsod ng naganap umanong sabwatan sa pagbili ng mga covid supplies nang mag simula ang pandemya.
Sa inihaing reklamo ipinakita ang tahasang paggamit sa pandemya upang lustayin umano ang kaban ng bayan at lokohin umano, ang mga mamamayan.
Sinabi ni John Lazaro, tagapagsalita ng SPARK, sapat na napakita ng Blue Ribbon Committee (BRC) ng Senado sa kanilang imbestigasyon, sa mga testimonya, mga nag kokontrahang pahayag ng mga opisyal at mga malawak na nalakap na ebidensya mula na rin sa mga iba pang sangay ng gobyerno na merong sabwatang naganap.
Ang mas matindi, ibinigay ang kontrata sa isang bagong korporasyon na walang track record o lumalabas na “middle man” lang sa P8 bilyong pisong mga kontrata na nalakap nitong Pharmally.
Hinimok ng SPARK ang Ombudsman na magsampa na ng kaso sa Sandiganbayan laban sa 10 indibidwal at opisyal ng Pharmally at opisyal ng gobyerno dahil lagpas sa 50 milyon pesos ang mga nasabing kontrata na sakop ng plunder.
Ang asawa ni Rose Lin na si Lin Weixiong ay ‘finance manager’ ng Pharmally.