3 Chinese na kidnaper, patay sa shootout

Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng tatlong Chinese nationals na napatay na umano’y miyembro ng kidnapping group.
Graphic by Philstar/John Villamayor

MANILA, Philippines — Patay ang tatlong Chinese nationals na suspek sa pagkidnap sa dalawang empleyado ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), sa naganap na rescue operation sa Parañaque City, nitong linggo ng hapon.

Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng tatlong Chinese nationals na napatay na umano’y miyembro ng kidnapping group.

Nailigtas naman sa kamay ng mga suspek ang mga biktimang sina Zhou Xiang Qin, 42, empleyado ng POGO at nanunulu­yan sa 1322 Gold Empire Tower, Malate, Maynila at Li Ci You, 33, (babae) Taiwanese national, marke­ting manager ng CBC Asia Techno Zone, sa Bacoor City, Cavite.

Naganap ang insidente, alas 5:50 ng hapon nitong Linggo sa Vicente Recto Street, Barangay B. F. Homes Parañaque City.

Una umanong naka­kuha ng impormasyon ang mga otoridad mula sa arestadong suspek na kinilalang si Lorriel Lozano, 22, sa pagkidnap sa isang Ling Qang Chang, 43, Chinese national.

Nang magtungo sa lugar para maisalba ang dalawang biktima, sinalubong sila ng mga putok kaya nauwi sa palitan ng mga putok.

Nang tamaan ang mga suspek ay natigil ang putukan at isinugod  sa  Medical Center sa Parañaque City subalit idineklarang dead on arrival.

Nasamsam sa mga suspek ang isang 12 gauge shotgun model 88, isang kalibre .45 Taurus pistol, isang kalibre .9mm Uzi, isang kalibre . 9mm Glock Gen m m5 H, isang itim na Toyota Innova, isang puti na Kymco motorcycle, assorted military at  police uniform/paraphernalia, assorted ammunition, cartridge cases, magazines, bullet vest at gun parts.

Hindi naman ligtas sa imbestigasyon ang caretaker ng bahay na inabutan nang mangyari ang engkuwentro. - Doris Franche

Show comments