^

Bansa

EDSA @36 hitik sa panawagan vs 'Marcos return' sa Malacañang

James Relativo - Philstar.com
EDSA @36 hitik sa panawagan vs 'Marcos return' sa Malacañang
Makikita sa larawang ito ang isang kilos protestang nananawagan sa pagharang sa panunumbalik ng pamilya Marcos sa Palasyo kasabay ng ika-36 anibersaryo ng EDSA People Power uprising, ika-25 ng Pebrero, 2022
Mula sa Facebook page ni Renato Reyes Jr.

MANILA, Philippines — Sa dinami-rami ng mga pagkilos ngayong ika-36 anibersaryo ng EDSA People Power na nagpatalsik sa diktadura ni Ferdinand Marcos Sr., tila ibinubuklod ang karamihan nito sa iisang panawagan — ang pagpigil sa panunumbalik ng mga Marcos sa Palasyo ngayong 2022.

Taong 1986 nang mapaalis sa Malacañang ang dating pangulo matapos ang mga protesta mula ika-22 hanggang ika-25 ng Pebrero, bagay na dumulo sa paglikas ng pamilya Marcos patungong Hawaii sa Estados Unidos.

"Pinatalsik ng mamamayang Pilipino ang pamilyang Marcos upang tapusin ang kanilang paghahari sa ating bayan. Laganap ang paglabag sa karapatang pantao, pagyurak sa demokrasya, at pagnanakaw sa kaban ng yaman ng mga Marcos at kanilang mga kroni," ayon sa Bayan Muna party-list, Biyernes.

"Hindi na dapat ibalik ang sinuka na ng taumbayan!"

Kasalukuyang kumakandidato sa pagkapangulo si dating Sen. Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., anak ng dating presidente, habang nangunguna sa mga electoral surveys.

Simula nang ipatupad ng Martial Law ni Marcos mula 1972 hanggang 1983, matatandaang umabot sa 70,000 ang kinulong, 34,000 ang tinorture habang 3,200 naman ang pinatay, ayon sa Amnesty International.

Kasalukuyan ding hawak ng nakatatandang Marcos ang titulong "Greatest robbery of a Government" sa Guiness World Records, matapos niya aniya tangayin ang nasa $5-10 bilyong kaban ng bayan. Hanggang sa ngayon ay sinusubukan pa itong bawiin ng Presidential Commission on Good Government (PCGG).

Mga protesta, pagtatanghal

Bukod sa mga karaniwang protesta, idinaan naman ng ilan sa performances gaya ng impersonations.

Sa ilang litratong ito, makikita kung paano i-impersonate ng mga komedyante at performance artists na sina Willie Nepomuceno at Mae Paner, na mas kilala sa pangalang "Juana Change," sina Macoy at dating first lady Imelda Marcos — na nabansagan na noon na naglunsad ng isang conjugal dicatorship.

"Apo Ferdie, bumangon muli [sa hukay] para dumalo sa teach-in kaugnay ng Martial Law at diktadurang Marcos kasama si Imeldific," wika ni Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) secretary-general Renato Reyes Jr.

Kanina lang nang sabihin ni Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) chairperson Danilo Ramos kung paano nakikiisa ang sektor ng pagsasaka sa araw na ito, lalo na't labis-labis daw naapi ang mga pesante noong panahon ng diktadura.

Bukod sa pagsuko diumano ng Masagana 99 ni Marcos sa agrikultura sa dayuhang intes na ikinalugi ng "milyun-milyong" magbubukid, pinangunahan din daw ng dating presidente ang pagnanakaw ng P105 bilyong Coco Levy Funds mula sa mahihirap na magniniyog. 

Maliban sa pagkakaroon ng famine sa Negros noong 1980s, itinulak din noon ni Imelda ang importasyon ng "golden kuhol" na puminsala sa 1.6 milyong ektarya ng palay noong 2019.

"The peasant masses called for free land distribution and an end to feudal oppression during Marcos’ dictatorial rule. These calls have only become more urgent thirty-six years after EDSA," ani Ramos.

"The Marcoses’ attempt to return to Malacañang through Marcos Jr. 's presidential election bid will only bring worse anti-peasant policies and atrocities."

Presidentiables sa EDSA

Kanina lang nang sabihin ni 2022 presidential candidate at Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso na anumang kapangyarihang tinatamasa ng mga nasa poder ay siyang kayang-kayang agawin ng taumbayan.

"I think it's worth na maalala ng mga kabataan [ngayong People Power anniversary] ang kapangyarihan ng pangulo ay nanggaling sa tao. Tao ang nagbigay, tao din ang babawi," wika niya.

"I think that's the most important lesson of the EDSA Revolution. Bagay lamang na ito'y paulit-ulit nating kilalanin, at isalin sa mga susunod na salin-lahi to remind na huwag tayong mang-aabuso sa kapangyarihan."

Huwebes lang nang sabihin ng presidential at vice presidential tandem nina Sen. Panfilo "Ping" Lacson at Senate President Vicente "Tito" Sotto III na hindi dapat kalimutan ng taumbayan ang mga makasaysayang pang-aabuso sa ilalim ng Martial Law, ito kahit na dating bahagi ng Metropolitan Command ang nauna.

Ayon naman kay Ka Leody de Guzman, na aktibista na noong panahon ni Marcos, tanda ang People Power ng kapangyarihan ng masa na patalsikin ang mga nanananamantala kapag nagkakaisa. Gayunpaman, nakalulungkot daw kung paano ito pinagsamantalahan ng mga naghaharing uri.

"Looking back, nakikita kong kinapos ang naunang EDSA. Ang nanumbalik ay ang elitistang demokrasya na naghahari sa bansa bago ang Marial Law.  Mula kay Cory Aquino hanggang kay Duterte, tila nabalewala ang isinakripisyo ng aming henerasyon," sabi niya kahapon.

"Nanatili ang kronyismo, kagutuman, pagkakabaon sa utang panlabas, kawalan ng hustisyang panlipunan at serbisyo publiko, pang-aapi sa mga manggagawa't magsasaka, at iba pa."

"Ang klase ng pamumuno na kinakatawan ni Ka Leody ay pagkukumpleto sa mga kakulangan ng EDSA. Kinapos ang pag-aalsang EDSA sapagkat naagaw ng mga elitista ang manibela kaya huminto ang pag-aalsang masa sa simpleng pagpapatalsik sa diktadura."

2022 NATIONAL ELECTIONS

BONGBONG MARCOS

EDSA

FERDINAND MARCOS

MARTIAL LAW

PEOPLE POWER

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with