MANILA, Philippines — Hindi dapat hayaan ng pamahalaan na saluhin ng mga ordinaryong Pilipino ang epekto sa pagtaas ng presyo ng langis na nagreresulta sa pagsirit din ng halaga ng mga pangunahing bilihin sa merkado dahil mayroon namang legal na paraan para masolusyunan ito, ayon kay Partido Reporma presidential bet Panfilo ‘Ping’ Lacson.
Sinabi ni Lacson, kung siya ang magiging lider ng bansa sa susunod na anim na taon, dalawang hakbang ang ipatutupad niya para matugunan ang inflation o pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Una ay ang pagpapataas sa produksyon ng ating mga pangangailangan gamit ang lokal na mga materyales at pangalawa ay ang pagpapalakas sa aksyon ng Bangko Sentral ng Pilipinas.
Dagdag pa ng presidential candidate, gumawa na siya ng mga hakbang sa Senado para mapigilan sana ang malalang epekto nang pagtaas ng presyo ng langis sa pamamagitan ng pagpasa sa Tax Reform Package o TRAIN 2.
“Mayroong probisyon doon na ipinasa namin na kung saan ‘pag dumating sa $80 per barrel ang crude oil (sa) international (market), sinu-suspend na ‘yung excise tax ng oil products... Nag-expire na ‘yun noong December 2020, so hindi na applicable sa 2021, 2022. E, magkano na ngayon ang langis $110 na per barrel, hindi natin saklaw ‘yun, hindi natin kontrolado,” paliwanag ni Lacson sa panayam ng DZRH ngayong Sabado.
Hinimok ni Lacson ang Department of Finance (DOF) na ipaglaban ang pag-amyenda sa batas upang masuspinde ang excise tax na katumbas ng P10 sa nakokolektang buwis ng pamahalaan. “‘Yun lang naman ‘yun, hindi naman as in mawawala lahat ‘yung tax e,” aniya.