MANILA, Philippines — Tatlong miyembro ng Philippine Air Force (PAF) ang nalitson nang buhay habang sugatan ang isang kasama nang masunog ang sinasakyan nilang kotse matapos araruhin ang anim na concrete barrier kahapon ng madaling araw sa EDSA, Quezon City.
Kinilala ni District Traffic Enforcement Unit Chief PLTCOl Cipriano Galanida ang mga namatay na sina Airman 1st Classs Sabado Angelo; Airman 1st Class Aaron Tabarle; at Airman 1st Class Kyle Justine Velasco habang sugatan naman si Airman 2nd Class Manuel Ognes, 27, residente ng Villamor Air Base Pasay City.
Sa imbestigasyon ng pulisya, ala-1:58 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa EDSA South Bound corner North Road Barangay Lipunan Crame, Quezon City.
Sinabi na sakay ng Honda City (NDR 7213) ang mga biktima na minamaneho ni Ognes mula P. Tuazon patungong Ortigas Avenue nang araruhin ng sasakyan ang mga concrete barrier sa EDSA.
Dahil dito, nagliyab ang nasabing sasakyan kung saan kasamang nasunog ang tatlong biktima na dahilan ng kanilang kamatayan habang si Ognes na naipit sa kotse ay nagawang makalabas.
Pinipigil ngayon si Ognes sa himpilan ng Traffic Sector 4 na siyang driver ng kotse nang maganap ang aksidente at posibleng maharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting to multiple homicide at damage to property. - Doris Franche