9 todas, 3 kritikal sa ‘clan war’

MANILA, Philippines — Patay ang 9 na kasapi ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) habang tatlo pa ang malubhang nasugatan makaraan silang tambangan ng mga armadong lalaki mula sa faction ng naturang separatistang grupo dahil sa tumitinding “clan war” sa Guindulungan, Maguindanao kahapon ng umaga.

 Ang mga nasawi ay kinilalang sina Peges Mamasainged alyas “Commander Black Magic”, Sadam Mamasainged, Sadre Mamasainged, Johari Mamasainged, Kamaro Mamasainged, isang alyas “Tani” at tatlong iba pa na inaalam ang pagkakakilanlan; pawang aktibong miyembro ng MILF.

 Nilalapatan na rin ng lunas sa Integrated Provincial Health Office ang mga sugatang sina Anwar Dimasinsil, Mangi Mamasainged at Banarin Lumalag.

Sa report ng Police Regional Office (PRO)-Bangsamoro Autonomous Region (BAR), dakong alas-8:30 ng umaga habang patungo sa Brgy. Kalumanos ng nasabi ring bayan ang grupo ni Commander Black Magic ay lulan ng kulay Maroon Mitsubishi Montero (RNW 889) at kulay itim na Ford Ranger (LAS 6907) nang sila ay tambangan pagsapit sa bisinidad ng Sitio Dam, Brgy. Tambungan II.

Pinaulanan agad ng bala ang convoy ng mga biktima mula sa grupo umano ni Jordan Mama Lintang alyas “Kumander Jordan” at anak nitong si Morsid Mama Lintang alyas “Ngelong” na mahigpit nilang kaaway na pamilya.

Ang pangkat ni Kumander Jordan, ayon kay Captain Fhaeyd Cana, tagapagsalita ng Maguindanao Police ay mula rin sa isang faction ng MILF.

 Sa pagsisiyasat, lumalabas na matinding alitan ng kanya-kanyang angkan o pamilya ang motibo ng pananambang.

Show comments