MANILA, Philippines — Pinalawig pa ang “Bayanihan Bakunahan” o national COVID-19 vaccination days ng isang linggo, ayon kay National Vaccination Operations Center (NVOC) chairperson Undersecretary Myrna Cabotaje.
Ayon kay Cabotaje na gagawin hanggang Pebrero 18 ang National Vaccination Day na unang itinakda ng Pebrero 10 at 11.
“Bakit natin pinalawig iyong ating NVD3 hanggang February 18? Para bigyan natin nang mas maraming panahon iyong ating mga publiko, iyong ating mga mamamayan para mag-avail ng kanilang first dose, iyong second dose at saka iyong kanilang booster para kumpleto ang ating proteksyon. Sabi nga natin na kapag lahat ay bakunado, lahat tayo ay protektado,” ani Cabotaje.
Inihayag din ni Cabotaje na pag-aaralan nila ang dahilan kung bakit mababa ang nagpapabakuna sa ibang lugar.
Nanawagan din si Cabotaje sa mga mamamayan na wala pang bakuna na samantalahin ang pinalawig na NVD3.