MANILA, Philippines — Inilagay na ng Federal Bureau of Investigation (FBI) sa kanilang “top most wanted persons list” ang self-proclaimed “Owner of the Universe” at “Appointed Son of God” na preacher at Davao-based Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder na si Pastor Apollo Carreon Quiboloy.
Batay sa ipinaskil na posters ng FBI nitong Sabado, Biyernes sa Estados Unidos, bukod kay Quiboloy, kasama sa FBI wanted list sina Teresita Dandan at Helen Panilag.
Nakasaad ang alegasyon laban kay Quiboloy na “conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud and coercion and sex trafficking of children; sex trafficking by force, fraud and coercion; conspiracy; bulk cash smuggling.”
“Apollo Carreon Quiboloy, the founder of a Philippines-based church, is wanted for his alleged participation in a labor trafficking scheme that brought church members to the United States, via fraudulently obtained visas, and forced the members to solicit donations for a bogus charity, donations that actually were used to finance church operations and the lavish lifestyles of its leaders,” ayon sa FBI post.
Kabilang din sa alegasyon na ang mga babaeng recruits na tinatawag na “pastorals” ni Quiboloy ang tagapagsilbi at naghahanda ng kaniyang pagkain, naglilinis ng kaniyang bahay, nagmamasahe sa kaniya at kinakailangang makipagtalik sa kaniya na tinatawag na ‘night duty’.
Kaugnay nito, sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na wala pa silang natatanggap na opisyal na komunikasyon mula sa US government kaugnay sa kaso ni Quiboloy.
Nilinaw ni Guevarra na hindi agad aaksyon ang pamahalaan hangga’t wala pang inihahaing extradition request ang US sa Pilipinas laban sa isang Pinoy na kailangang dumaan sa diplomatic channels. Pag-aaralan aniya ng Department of Justice ang legal na batayan kung maaari itong maglabas ng immigration lookout bulletin order o precautionary hold departure order laban kay Quiboloy.