MANILA, Philippines — Isang “ideal government worker” si Department of Transportation (DOTr) Secretary Art Tugade.
Ganito ang pagpuri ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Tugade matapos ang pulong, kasama ang ilang miyembro ng Gabinete at opisyal ng gobyerno, upang talakayin ang COVID-19 situation sa bansa.
Kabilang sa mga iniulat ni Tugade ang update sa mga hakbang ng DOTr at Philippine Ports Authority (PPA) para tulungan ang daan-daang stranded na pasahero at bata sa Manila Port.
“Una, kailangan itong mga stranded children na ito ay mapauwi sa lalong madaling panahon. Pangalawa, kailangan magtayo tayo ng onsite vaccination facilities nang sa gayon ‘yung walang vaccination ay agarang mabigyang pagkakataon,” ani Tugade.
Agad nag-abot ng mga kinakailangang tulong ang PPA at iba pang ahensya, tulad ng libreng pagkain, snacks, tubig, at sleeping kits. Nagbigay din ang Social Welfare Department ng P5,000 financial sa mga pamilya.
Inanunsiyo rin ni Tugade ang desisyon ng MARINA Board na gawin nang libre ang seaman’s book para sa first-time seafarers, habang may 50 porsyentong diskwento naman sa mga magre-renew.
“‘Yung mga first time seamen na kukuha ng Seamen’s Book – ang halaga nito 1,000 to 1,800, depende kung saan mo kukunin – libre na ‘ho ‘yun. Dito sa termino n’yo, Mr. President, para tulong sa mga seamen, ‘pag kinuha na nila ang Seamen’s Certificate for the first time, libre na ho ‘yun,” ayon sa kalihim.