MANILA, Philippines — Aarangkada na sa Pebrero 4 ang pagtuturok laban sa COVID sa mga nasa edad 5 hanggang 11 sa Metro Manila.
Ayon kay National Task Force against COVID-19 (NTF) chief implementer, Secretary Carlito Galvez Jr., na nakahanda na ang gobyerno sa gagawing bakunahan ng mga bata na pasok sa nasabing age group.
Ayon pa kay Galvez, maglalabas ng isang memorandum ang gobyerno ngayong linggo kung saan magsasagawa rin ng mga pagpupulong ang mga lokal na gobyerno para sa gagawing rollout ng pediatric vaccination na ang gagamitin ay Pfizer COVID-19 vaccine na may angkop na formula sa nasabing age group.
Para sa unang bahagi, isasagawa ito sa isang ospital at isang local government unit (LGU) site sa bawat siyudad sa loob ng National Capital Region (NCR) at pagkatapos ng isang linggo ay saka palalawigin sa ibang bahagi ng Metro Manila at iba pang rehiyon.
Base sa data ng NTF, nasa 7,246,430 adolescents, o mga bata na may edad 12 to 17 ang kumpleto na ang bakuna laban sa COVID-19.