MANILA, Philippines — Naging ‘katawa-tawa’ at mistulang nag-backfire lamang kay Anak Kalusugan Party List Rep. Mike Defensor ang mga maling paratang na binitiwan nito laban sa Quezon City local government kamakailan, ayon kay City Spokesperson Pia Morato.
Matatandaang naglabas ng pahayag kamakailan sa media si Defensor at sinabing kinukwestiyon ng Commission on Audit (COA) ang validity ng P479 milyong halaga ng pandemic procurements ng lokal na pamahalaan.
Sinabi ni Morato na kung bibisitahin ang website ng COA ay wala namang makikitang bagong post o report hinggil dito at katunayan na ang mga alegasyon ni Defensor ay batay sa report na naka-post sa website ng COA noong Hulyo 2021 pa na “partial section,” o maliit na bahagi lamang, ng year-end audit report ng Quezon City para sa taong 2020.
Ipinaliwanag rin ni Morato na noong ipinadala nila ang kanilang statement sa media, nag-research ang mga reporter at editor para alamin kung totoo ang mga paratang ng kampo ni Defensor at nakita na galing sa year-end COA report kung saan iginawad pa sa Quezon City ang pinakamataas na audit rating sa buong kasaysayan ng lugar.
“Ang intensyon nila ay sirain ang reputasyon ng QC LGU, pero kabaliktaran pa ang nangyari,” ani Morato.
Nabatid na mayroong 42-pahinang buong COA report, ngunit ang mga bintang ni Defensor ay kinuha lamang sa tatlong pahina nito.
Ang umano’y pagkuwestyon ng validity ng P479 milyon para sa pandemic procurements ay wala din sa nasabing report, ngunit may payo lamang ang COA na dapat makumpleto ng QC ang mga requirement upang mapag-aralan ito ng ahensya.
Ipinahayag pa ni Morato na sa loob ng ilang linggo lamang, naipasa na ng QC LGU ang lahat ng supporting documents kaugnay ng naturang procurements.
“Mukhang masyado nang matagal sa loob ng bahay si Cong. Defensor, kaya ata siya nalilito. 2022 na, ‘wag na tayo mag-imbento at gumawa ng mga kwentong minero, lalo na tungkol sa mga bagay na nangyari noong 2020 pa,” pagtatapos pa niya.