MANILA, Philippines — Tinatayang umaabot sa 200,000 residente ng Quezon City ang naserbisyuhan ng Social Services Development Department (SSDD) tulad na rin sa nagdaang dalawang taon sa ilalim ng pandemyang dulot ng COVID-19.
Ayon kay Marisse Casabuena, Division Head ng SSDD lahat ng mga pangangailangan tulad ng gamot, tirahan, pinansiyal na tulong ay naibigay ng city government sa pamumuno ni Mayor Joy Belmonte.
Sinabi ni Casabuena na simula noong 2019 ay nadagdagan ni Mayor Belmonte ang mga halagang itinutulong sa mga residenteng lumalapit sa kanilang tanggapan.
Ang dating P3,000 ibinibigay sa mga maralitang taga-lungsod na nangangailangan ng pambili ng gamot sa matinding karamdaman ay nasa P5,000 hanggang P10,000 na at depende sa antas ng sakit at kalagayan sa buhay ng nangangailangan.
Upang mapabilis ang pamimigay ng tulong sa mga agarang nangangailangan nito, minabuti ni Mayor Belmonte na magtalaga ng mga ‘action officer’ sa kada distrito ng lungsod upang sila mismo ang aagapay sa mga maralitang taga-lungsod sa oras ng anuman nilang pangangailangan.