MANILA, Philippines — Dahil umano sa kabiguan na mapigilan ang babaeng biyahero na si “Poblacion Girl” ay sinuspinde ng Department of Tourism (DOT) ang accreditation at binawi din ang permit bilang Multiple-Use Hotel ang isang hotel sa Makati.
Pinagmulta rin ang Berjaya Hotel Makati na katumbas ng doble ng rack rate ng pinakamahal nitong kwarto.
Inaprubahan ng Tourism Regulation, Coordination and Resource Generation ng Department ang mga parusa na inirerekomenda ng DOT- National Capital Region.
Inamin ng Berjaya Hotel na ang nakita sa CCTV footage ang pag-alis ni Gwyneth Chua ng alas-11:45 ng gabi, 15 minuto pa lang na naka-check-in para sa 5-day mandatory quarantine noong Disyembre 22, ay hindi man lamang sinita ng mga hotel at security personnel sa lobby at hindi rin inireport sa Bureau of Quarantine (BOQ).
Hindi rin inireport ang pagbabalik nito sa hotel makalipas ang tatlong araw, hanggang sa lumutang ang soical media posts na nasa isang bar siya sa Poblacion, Makati.
Disyembre 26 nang isalang sa RT-PCR test na nagpositibo sa COVID-19.
May 15-working days ang hotel na umapela sa isinilbing desisyon ng DOT.