85 katao nasugatan sa paputok – DOH

Sa pagsalubong ng Bagong Taon

MANILA, Philippines — Nagtala ang Department of Health (DOH) ng 85 kaso ng nasugatan sa paputok sa pagsalubong sa Bagong Taon.

Sinabi ni Health  Secretary Francisco Duque III sa isinagawang pulong balitaan sa Avenue Medical Center, Quezon City nitong Sabado na mula Disyembre 21, 2021 hanggang alas-6:00 ng madaling araw ng Enero 2 ang naitalang 85 sugatan.

Bahagyang mas mababa umano ito kumpara sa 96 sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

“We have less fireworks-related injuries. Ngunit ang mga bilang ng kaso ay maaaring tumaas sa mga susunod na araw dahil sa mga huling reports at consultations.”

Samantala, sinabi rin ni Duque na ang naturang 85 sugatan sa paputok ay 75% na mas mababa kumpara sa average na 336 injuries sa nakalipas na limang taon.

Nasa 36%  na naitala ay mula sa Metro Manila, na mas lamang ang mga biktimang lalaki na may edad 11 hanggang 30. Nasa 58% naman o mas nakararami rin sa biktima ang nanonood lamang o dumaraan lamang nang tamaan ng mga ipinagbabawal na 5-star, piccolo at boga.

Show comments