MANILA, Philippines — Dalawang karnaper ang naaresto matapos matukoy sila sa Bulacan ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) nang tangayin ang van na may GPS tracker, kamakalawa.
Kinilala ang dalawang suspek na sina Pipoe Silverio, 43, security guard, nakatira sa No. 55 F. Balagtas Street, Bagong Barrio, Caloocan City; at Alvin Castro, 33, construction worker, nakatira rin sa nasabing lugar.
Sa ulat, alas-2:00 ng madaling araw nang tangayin ang isang silver Toyota Hi-Ace van sa loob ng bodega ng ZESTAR Corporation sa may No. 2361-A Juan Luna Street, Gagalangin, Tondo.
Sa salaysay ni Ryasan Sanchez, warehouse supervisor ng ZESTAR, nadiskubre niya ng naturang oras na nawawala ang sasakyan na pag-aari ng kumpanya na ipinarada sa harap ng bodega.
Agad niyang iniulat ito sa istasyon ng pulisya at sinabi na may nakakabit na GPS (Global Positioning System) tracker ang sasakyan.
Nang matukoy na nasa San Miguel, Bulacan ang van ay agad ikinasa ang operasyon ng mga tauhan ng MPD katuwang ang Bulacan Police Provincial.Office at nilusob ang lugar at nadakip ang dalawang suspek at narekober ang ninakaw na van.